Thursday, May 16, 2013

Suring basa ng Canal Dela Reyna ni Liwayway Arceo

(Maiksing suring basa noong ako ay nasa hayskul pa) :)


I.          Tagpuan
Inilarawan ang tagpuan bilang isang maburak, mabaho, at pinamumugaran ng mga iskwater. Sa lugar na ito ay tila nagrereynareynahan si Nyora Tentay. Ang lugar na ito ay simbolo ng mga tirahan ng mga mahihirap. Maraming pangyayari ang naganap sa lugar na ito at dito umikot ang pinaka-kalamnan ng nobela.



II.       Mga Tauhan

·      Pamilyang de los Angeles
Sila ay isang pamilyang may pagkakaisa at unawaan para sa isa’t isa. Masasabing isa silang halimbawa ng maayos at halos perpektong pamilya.

1. Salvador-ang padre de pamilya at mabuting asawa ni Caridad.Tahimik lang ito at bihira kung magsalita. Ngunit bawat katagang kaniyang binibigkas ay may lalim at kahulugan. Hinahayaan niya ring magdesisyon si Caridad basta sa tingin niya ay tama at para sa ikabubuti.
2. Caridad- isang napakamaunawaing ina sa kanyang pamilya.Labis ang kaniyang  pagmamahal at pagaalala  sa kanyang asawa lalo na sa kanyang mga anak na si Leni at Junior. Mayroon siyang malakas at matibay na kalooban. Hindi siya agad nagpapatinag sa anumang problemang kinahaharap.
3. Leni- panganay na anak na babae nina Salvador at Caridad. Nagtapos ito ng medisina kung saan pinatunayan niya ang kaniyang talino ng nanguna siya sa puwesto sa Medical Board Exam at kasalukuyang nag-iinternong doktor. Espesiyalidad nito ang Pediatrics at talaga namang makikita ang husay ni Leni sa panggagamot.
4. Junior-  bunso ng pamilya de los Angeles. Kasalukuyan itong kumukuha ng kursong Architecture sa isang unibersidad. Nais mang kumuha ni Junior ng abogasya ay tinutulan naman ito ng kaniyang magulang. Mahilig at maraming alam  si Junior pagdating sa mga paksa na tungkol sa pulitika at gobyerno. Dahil na rin sa pagiging mabuti at masunuring anak kaya sinunod niya ang desisyon ng mga magulang.


·      Pamilyang Marcial-
Ang pamilyang ito ay puno ng kaguluhan. Wala silang pagkakaintindihan dahil na rin sa di maayos na komyunikasyon. Hindi pinakikinggan ni Nyora Tentay ang kanyang anak na si Victor at pilit na pinasusunod ito sa kanyang mga kagustuhan kahit labag sa kalooban ni Victor.

5. Nyora Tentay- ina ni Victor. Hindi niya pinakikinggan ang panig ni Victor at kadalasan na siya ang nagdedesisyon sa anak. Siya ay isang taong sakim at mapanggipit.
6.Victor- ama ni Gerry at asawa ni Gracia. Sunud-sunuran ito sa kanyang ina. Hindi man kita ay mahal na mahal niya ang kanyang pamilya.
7. Gracia-asawang hinwalayan ni Victor dahil sa kagustuhan ng inang si Nyora Tentay
8. Gerry- anak ni Victor at Gracia


III.    Buod
Sa bayan ng Canal De La Reina, si Nyora Tentay ay ang may kaya sa buhay kung kaya’t siya ang nilalapitan ng lahat ng naninirahan doon upang mangutang dahil sa kakapusan sa pera. Ngunit dahil na rin sa pagiging gahaman ay imbes na tumulong sa kapwa ay ginagamit niya pa ang sitwasyon nila upang maglagay ng malaking interes sa mga mangungutang.
Ang bayan nila ay sumasalamin ng kahirapan ng buhay dahil na rin sa katiwalian at kasamaan ng ugali ng mga opisyal ng gobyerno.
Isang araw nalaman ni Caridad na binili ang kanyang lupang pag-aari, di umano ni NyoraTentay mula sa dating katiwala nila na si Osyong. Dahil sa pag-aagawan nila sa tunay na may-ari ng lupain kaya hindi naiwasang magkaroon ng alitan sa pagitan ngdalawa.
Ngunit isang di inaasahang napakalakas na bagyo ang dumating sa bansa at apektado din ang bayan ng Canal De La Reina. Naging dulot nito ay ang pagkakatangay sa baha ng mga naninirahan sa Canal de la Reina at hindi nakalagitas maging ang bahay ni Nyora Tentay. Sa di inaasahang pangyayari ay napunta sa pamilyang de los Angeles ang mga papeles ng titulo ng bahay ni Nyora Tentay sa pamamagitan ni Ingga ngunit pinili pa rin itong isauli ng pamilya dahil nais nilang maging patas.
Dahil na rin siguro sa mga pangyayari ay naisip na ni Nyora Tentay na masama ang kanyang mga ginagawa. Tinanggap nito ang kanyang pagkatalo at ibinalik ang lupa sa tunay na nagmamay-ari.


IV.    Bisang Pangkaisipan
Kapit sa patalim, mga katagang naglalarawan sa mga taong nakatira sa Canal De La Reina. Dahil na rin sa kahirapan ng buhay kung kaya naman marami ngayon ang handang gawin ang lahat mabuhay lamang sa pangaraw-araw.
Ang akda ay sumasalamin sa tunay na kalagayan ng lipunan malayo sa inaakala nating malafairytale na mundo. Natutunan ko dito na maraming tao ang mapagsamantala sa kalagayan ng mga mahihirap. Ang mga mayayaman ay lalong yumayaman, samantalang ang mahihirap ay nanatiling mahirap.Kalagayang magpasahanggang ngayon ay namamayani sa ating lipunan.
Tunay ngang marami pang bagay na hindi natin alam sa mundong ito. Ngunit isa lamang ang di nating matatanggi, na bulok ang sistema at maraming nagdudusa sa mga taong walang malasakit sa kapwa.

V.       Bisang Pandamdamin
Masakit mang aminin ngunit ang mundong ating ginagalawan ay kahindik-hindik ang sitwasyon. Marami sa ngayon ang kalagayan sa buhay ay lubhang nakakaawa. Sa akdang ito pinukaw nito ang aking awa gayun na rin ang galit sa mga mapangabuso at tusong tao. Isang makaantig damdaming nobela na sumasalamin sa kabulukan at kasamaan na namamayani sa mundo.

VI.    Bisang Pangkaasalan
Dahil sa akdang ito ay natutunan kung gaano kahalaga na igalang at irespeto ang pagkatao ng bawat isa sa atin. Dito pinamulat niya sa akin na mas mahalaga ang maging mabait, matapat, at matulungin na hindi mapapantayan ng anumang salapi.
Ang mundo man ay pinaiikot ng salapi ngunit dapat ay hindi tayo magpatangay at labanan ang mapangaping sistema ng ating lipunan. Lagi nating isaisip at isapuso na maging pantay ang pagtrato natin sa ating kapwa tao at huwag abusuhin ang kalagayan nila.

VII. Mensahe
Ang nobela ay tumatalakay sa iba’-ibang isyung panglipunan na magpasahanggang kasalukuyan ay nagaganap pa rin. Mahirap man o mayaman ay sangkot sa mga pangyayaring ito. Buhat nito maraming tao ang apektado sa kasalukuyang sitwasyon ng ating lipunan. Isa sa mga tinatalakay nito ay ang hindi maayos na pamamalakad ng batas sa ating bansa. Dahil sa kawalan ng hustisya ay maraming tao ang nawalan na ng tiwala sa gobyerno. Lumalala ang kriminalidad at maraming tao ang ipinagsasawalang bahala ang mga batas.
Ngunit pinakita rin nito na lahat ng tao ay may pagkakataong magbago. Masama man tayo kung gugustuhin naman natin na magbago ay maaari. Ang tao ang pumipili ng kaniyang tadhana. Kung gugustuhin natin ay maa

ari natin baguhin ang lipunang nakasanayan. Kahit kalian ang kasamaan ay hindi nanaig.


6 comments: